Wednesday, 22 October 2008
-
Laging may sagot
Napansin ko lang: matagal na pala akong hindi sumusulat sa Filipino, mapa-blog man o tula. Kaya ngayon, babalik ako sa sinimulan.
***
Nakapatay ang aircon dito sa opisina. Sabi ni Kathy, nagloloko raw, kaya tinawagan niya ang Facilities Management. Kaninang tanghali pa niya yata tinawag. Nag-training na ako sa kabilang gusali at nakabalik dito, wala pa rin.
Gusto ko tuloy umakyat papuntang Baguio. Hindi na rin ako makapaghintay sa Disyembre at ang biyahe namin papuntang Sagada, kahit na dalawang araw lang iyon at hindi pa sapat para makapunta doon at makauwi nang buhay.
***
Buhay.
Pansinin mo -- ibahin lang ang impit, nag-iiba na ang kahulugan. BU-hay; bu-HAY.
Maaari kang maging bu-HAY kahit na hindi nakakadama ng BU-hay.
Sa Ingles, feel alive, but empty.
***
Walang laman ang baso ko ngayon, dahil nga kagagaling ko lang sa training. Iniiwan ko kasi ang mga gamit ko dito sa ilalim ng mesa kapag lumalabas. Wallet at cellphone lang ang dinadala, at minsan, ballpen.
***
Wala na ring laman ang ballpen na dala ko. Naubusan ng tinta.
Tinanong ako ni Grand Old Man of Poetics noong isang araw, Aba, Jonar, hindi ka na rin yata nakakatula. Parang pumayat ka pa. Sabi ko, Shabu. Pero seryoso po, hindi rin ako nakakakain nang tama dahil lagi akong ginagabi sa trabaho.
Totoo naman talaga, e. Lagi akong ginagabi. Minsan nga lang sa trabaho. Nangangayayat na ako, sabi ni Kung Sino Man, at hinahayaan kong mawala ang sarili ko.
Hinayaan din kasi akong mawala...
***
Sa isang mundo ng mga sabi-ko-na-nga-ba, may nagiging pasaway, may nagugulat sa inaasahan, may hindi nagugulat sa di-inaasahan. At mas madalas -- may nasasagasaan.
***
Mag-menor ka naman
Mag-menor ka naman
Mag-menor ka naman
At ako'y nasasagasaan***
Maayos naman ang gig namin sa Mag:Net noong Lunes. Medyo nagkaproblema sa drums, pero naayos din agad.
Sa mga nagsipunta: Kay Lauren, kina Juna at Judet, kina Randel, Kiko at mga co-fellow, kay Bache na humabol sa set namin, salamat. Pati kay Joel at sa Happy Mondays.
Sa susunod, magdadala na ako ng tula, oras na magka-tinta ulit ang ballpen ko.
***
Hindi ka pa mamamatay. Habang kaya pang bumalik, kaya pa, at dapat pang mabuhay.
Laban kung laban. Peksman, sugurin ka man niya (nila) diyan, susunod ako. Ipapakita ko sa kanilang lahat kung paano ang tunay na magmahal.



Post a Comment