Saturday, 25 October 2008

  • Ulat mula San Pedro Cutud

    Kanina pa ako nakatayo rito. Nanonood sa mga taong nilalatigo ang sarili. May mga kasama silang nagsasaboy ng Green Cross Alcohol sa mga sugat na natatamo. Walang imik, walang pagsisisi.

    Pag-ibig, sabi nila, ang puno't dulo ng lahat.

    ***

    Noong nakaraang taon ko yata sinulat ang nasa itaas. Hindi ko nailagay sa blog dahil nakasulat sa isang punit-punit na kuwaderno, na natabunan ng mattress at alikabok.

    Hindi na rin ako nakapagsulat masyado pagkatapos ng mga pangyayari. Napapansin na ng mga kaibigan kong wala ako ni isang tula sa blog; o kung may nakasulat man, laging malungkot.

    Hindi naman ako malungkot ngayon. Naguguluhan lang sa mga nakikita.

    ***

    Kanina, bago ko samahan si Tina sa ospital, nagpraktis ako ng mga tutugtugin sa Biyernes. May boses pa naman ako; hindi pa naman nawawala ang kakaunting kaya kong tugtugin sa gitara.

    Namimiss ko tuloy ang classical guitar ko, kahit na hawak ko lang iyon kaninang umaga. Ang laking pagpapanibago ang naranasan ko noong lumipat ako sa pagtugtog ng bass. Mahirap kumanta; maaaring maglaro pero hindi maaaring baguhin ang kumpas.

    ***

    Malamang nagtataka kayo kung bakit ako online ngayon.

    Wala lang. Mainit sa bahay.

    ***

    Totoo bang wala na? Totoo bang ito na ang wakas? Totoo bang hanggang doon at doon lamang ang mga bagay?

    O baka ibang "wala" ang tinutukoy, o baka ibang tao ang kinauukulan.

    ***

    Bagong simula, sana. Sabi ng kausap ko, 95% nang siguradong tuloy-tuloy na.

    Hindi naman sa humihingi ako ng labis, pero sana, may mga ibang bagay na ganito ring katiyak.

    Sana, tumigil na ang unos.

    Sana, sumikat muli ang araw.

    Sana, tumigil na ang paghahabol.

    Sana, bumalik na ang mga bagay-bagay sa dati.

    Sana, ganito rin ang gusto ng daigdig. 

  • Choose Identity

  • Give eProps (?)

  • New! You can now edit your comments for 15 minutes after submitting.

Who recommended?