Thursday, 30 October 2008

  • Tik-tak-tik ng isang tomador

    Saan ba ako magsisimula?

    Ah, dito.

    ***

    Natuloy kami ni Aaron sa Shotlist noong isang araw. Sa wakas, nalaman ko na rin ang pangalan ng serbesang-nakakasira-ng-buhay: Oettinger. Suwabe, manamis-namis (may aftertaste na mais) -- at 8.9% ang alcohol content.

    Kaya siguro sumakit ang likod ko kinabukasan. Walang hangover, pero para naman akong tinatapakan ng isang pulutong ng elepante... na may kargang Armand James Simbulan. Tatlo pa sila.

    Makabili nga ng isang kahon. Baka iba naman ang epekto next time.

    ***

    Alam mo naman siguro kung saan ako papunta rito. Sabi nga ni Mic, T*t* ka, Jonar, ang emo mo. Pero, ewan ko -- hindi naman ako nagsusuot ng itim, maliban na lang kung nakakurbata ako, at hindi ako nagpapatato ng tala o luha sa mukha. Alam mo na rin siguro kung ano ang gagawin ko rito: Oo, magtatanong ako, at puwede mong piliin kung sasagutin mo, o hindi na. Malamang, alam mo na ring nagugutom ako ngayon, at kapag nakakadama ng gutom/takot/pagkabagot ang isang tao, hindi mo siya mapipigilan sa pag-iisip ng kung ano.

    ***

    Nakalagay sa entry mo: Huling nakaaway -- Jonar.

    Aaminin ko, nagkamali ako sa pagtatanong. Dapat hindi ko tinanong sa mismong sandaling iyon. Alam kong napapagod ka na, ubos na ang lakas mo sa trabaho, at heto, hindi man lang ako nakatulong. Nakita ko ang pagod na iyon sa mga daliri mong nagdurugo, sa mga bubog ng basong basag, sa mga reta-retaso ng mga puso natin.

    Retaso. Nakasulat nga pala ako ng kanta tungkol sa retaso. Or rather, tungkol sa Quirino Highway, kung saan sumakay ako noong Sabado patungong Cubao, natrapik, at nakakita ng mamang nagbebenta ng mga trapo sa mga tsuper. Sa Quirino ko rin naalala ang mga sinabi mo, at ang mga hindi mo nasabi. Sa Quirino ako naging emo. Sinabi ko sa sarili ko, Heto na nga, Jonar, tapos na nga ang lahat, at nagpigil ako, at nabigo sa pagpipigil.

    Pagliko namin sa Mindanao, bumuhos/umagos/tumulo/dumanak ang luha. Hindi naman ako humagulgol, katulad ng mga nakita mo sa akin dati, pero ang hirap kasi nito; hindi ako masanay bumiyahe nang hindi nagpapaalam sa iyo, at may ngiti, at may yakap, at may halik.

    ***

    Sabi mo rin kanina, mahalaga ang huling taong nakahawakan mo ng kamay.

    Ano nga ba ang "halaga", kung tutuusin? Sabi mo rin minsan, maybe you forgot about all the things that you miss. Sige na nga, si Kid Rock 'yun, hindi ikaw. Pero ikaw pa rin. Kung kanino mo sinasabi iyon noon, hindi na ako magtatanong.

    Noong gabi ng Sabado, nagtext ka. Hindi ka naman nagmakaawa, pero humingi ka ng paumanhin. Ng pasensya. At siguro, nagpaalam ka na nga rin.

    Hindi ko alam, P.; ultimong ako, hindi rin makahinga sa dalawang oras ng pag-uusap na iyon. Oo't pinakawalan mo na nga ang matagal mo nang dapat pinakawalan. Nakita ko kahapon. At malamang, dapat ko ring makita ngayon at bukas at magpakailanman. Siguro, may tagabulag sa akin, mayroon akong suot na piring, pero ilang beses ko ring hinuhubad, at masasabi ko ito sa iyo: nasanay na rin ako sa gabi. Nasanay na rin ako sa mga bagay na nakikita ko. Nasanay na rin ako hanggang umabot na ito sa puntong hindi na ako nakakadama ng ginaw tuwing may kuwit sa halip ng tuldok, tuwing hindi binubuo ang mga pangungusap, tuwing hindi mahigpit ang pagkakahawak sa kamay.

    Pero, sige, mahalaga ang huling taong nakahawakan mo ng kamay.

    Maniniwala ako dahil ito ang sinasabi mo.

    Hindi na ako magtatanong.

    ***

    Mukha namang walang nagpaalam; laging may narito. Nilagay mo pa ang pangalan ko sa talaan ng pinakamalalapit na kaibigan mo. Natutuwa ako, dahil nakasama na rin ako doon, kahit papaano, sa wakas. Mas madalas kong makita 'yung isa, oo, pero natutuwa pa rin ako, dahil kasama pa rin ako, at mahalaga nga ako sa iyo. Maniniwala na nga ako, hindi ba? Hindi naman ako lumayo; nandito lang naman ako. Pero, katulad nga ng iceberg na nabanggit ko sa isa pang entry, nagkakalayo tayo sa isa't isa. Hindi naman ito kasalanan ng kung sino sa atin, kundi ng dagat, at ng pag-agos nito.

    Ganoon talaga, e. Lalayo at lalayo dahil ang dagat na mismo ang nagsasabi. Hindi naman akong taong marunong lumangoy; isa akong iceberg, tuod at walang magawa kundi lumayo, magpaanod sa mga alon, magpadala sa mga maiinit na lugar at tuluyang matunaw at maging bahagi ng dagat na aagos patungo sa iyo.

    Siguro, doon tayo muling magtatagpo. Pero, baka hindi mo na ako kilala pagdating ng panahon. Tubig na ako; yelo ka. Hindi tayo talo.

    ***

    Sinulat ko ang nakaraang section sa ulo ko, Sabado nang gabi, at kagabi, sa MRT pauwi, at dito, sa opisina. Kaya mahal na mahal ko ang MRT. Nakakapag-isip ako nang hindi nakakarinig ng mga busina. Sige na nga, minsan nakakapag-isip ako nang mas mabuti kung may kasamang ingay. Pero sa pagkakataong ito, mas gusto kong tanging ugong lang ng MRT ang naririnig ko.

    Pansinin mo: isa akong taong marunong lumangoy. Hindi ako tuod at malamig at basta-basta nagpapadala sa agos. Kaya kong hindi lumayo. Kilala mo ako, P. Hindi ako sumusuko nang basta-basta. Nakayanan ko noong Sabado; itong mga nalalabing araw ng linggo pa kaya? Yakang-yaka.

    Ikaw, marunong kang lumangoy, di ba? Nakita ko sa Quezon yun. Matagal ka na ngang hindi nakakalangoy sa swimming pool, pero marunong ka naman, di ba?

    Lumangoy ka naman, utang na loob.

    ***

    Sabi mo, Matagal ko nang dapat pinakawalan.

    Sabi ko, Parang hawak mo pa rin.

    Pero, sige, katulad nga ng sinasabi ko kanina pa, hindi na ako magtatanong.

    Kibit-balikat na lang ang makikita mo sa akin.

    Peace of mind, baby, peace of mind.

  • Choose Identity

  • Give eProps (?)

  • New! You can now edit your comments for 15 minutes after submitting.

Who recommended?